‘Payabungin ang katutubong wika, kasabay ng Filipino’ – tertulya

Ni Niña Christelle M. Sumintac, StratCom Correspondent

 

Binigyang diin ni Dr. Elizabeth Caliwanagan, academic consultant ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) at isa sa mga Board of Directors ng NAKEM Philippines, ang kahalagahan ng sabay ng pagpapaunlad ng wikang Filipino at mga katutubong wika. 

 

Aniya, “Lahat ng mga wika, katutubo man o ang pambansa, ay dapat nagkakasundo, hindi nagkakanya-kanya at hindi nag-aaway-away. Dapat nating ipagmalaki at isabuhay ang lahat ng wika dahil nagsisilbi itong vehikulo sa pagpapakilala ng ating pinagmulang lahi.” 

 

Si Dr. Caliwanagan ang nagsilbing susing tagapagsalita sa Tertulyang Pangwika 2022 na inorganisa ng Mariano Marcos State University noong Agosto 18 na dinaluhan ng mga guro at estudyante ng MMSU College of Teacher Education at iba pang mga paaralan sa loob at labas ng probinsya. 

 

Tinalakay ng tertulya na nai-livestream gamit ang opisyal na Facebook page ng unibersidad (@MMSUofficial) ang tema nitong “Katutubong Wika: pag-uugnay, pagkakawing-kawing, inobasyon at paglikha tungo sa pagbabantayog ng kalinangang katutubo.” 

 

Layunin ng webinar na mapabisa ang kakayahang pangkomunikatibo ng mga nagpapakadalubhasa sa wikang Filipino, gayundin ang pananaliksik sa paggamit ng iba pang dayalekto. 

 

Samantala, apat na eksperto sa wika ang nagsilbing tagapanayam sa webinar: Prof. Jomar I. Cañeda, puno ng Sangay ng Edukasyon at Networking ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF); Dr. Randy T. Nobleza, direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng Marinduque State College; Dr. Niña Christina I. Zamora, propesor ng Philippine Normal University; at Dr. Janet F. Rivera, propesor ng MMSU College of Arts and Sciences. 

 

Ibinahagi nila ang kanilang mga saliksik sa katutubong wika sa pamamagitan ng mga paksang ito: Gramatikal na Pagsusuri sa mga Katutubong Wika ng Pilipinas; Katutubong Wika: Tulay sa pag-uugnay ng Malikhaing Inobasyon para sa pagpapatibay ng Lokal na Identidad; Pagsipat sa Pagpasok ng Katutubong Wika sa Diskursong Pananaliksik sa Filipino; at Samtoy: Kasangkapan sa Akademikong Pagtuklas ng mga Saliksik Pangwika at Kultura. 

 

“Nakatutulong ang mga ganitong talakayan para higit pang mapalawak ang ating kaalaman sa wika at kultura, at ang gawaing ito ay nagpapakita ng ating pagpapahalaga sa wikang Filipino,” sabi ni Dr. Aris Reynold Cajigal, dekano ng CTE. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pananaliksik pangwika upang mas lalong makilala ang Filipino bilang wikang panlahat. 

 

Inilahad naman ni MMSU President Shirley C. Agrupis ang kanyang kagalakan dahil sa pakikiisa ng mga propesyonal na tagapanayam, mga guro at mag-aaral sa talakayang pangwika. Dagdag pa ni PSCA na ang tema ng tertulya ngayong taon ay magandang adhikain upang paunlarin ang katutubong wika at hubugin ang kulturang Filipino. 

 

Ayon kay Dr. Maria Eliza Lopez, hepe ng MMSU Sentro ng Wika at Kultura (SWAK), ang tertulyang pangwika ay nagpapakita ng katapatan ng unibersidad sa kasunduan nito sa KWF bilang magkatuwang sa mga usaping pangwika, kultura, at kasaysayan ng bansang Pilipinas. 

 

“Nais ng MMSU at KWF ang pagkakaroon ng higit pang kamalayan sa paggamit ng Filipino bilang wika ng pagkakaisa at ng paggamit ng mga katutubong wika sa pagpapalaganap ng pambansang pagkakakilanlan,” sabi ni Dr. Lopez. 

 

Ginanap din ng SWAK, kasama ang MMSU Center for Iloko ang Amianan Studies, ang Tertulyang Pampanitikan noong Abril 2022. (HLY/JVBT/DPTJ, StratCom)
 

Gallery

Dear Valued Client,

We will be introducing our newly upgraded website on October 31, 2024 – offering faster access, improved navigation, and enriched content for students, faculty, partners, and stakeholders. Experience how we cultivate minds and transform futures at MMSU.

Continue to the New Website