Webinar sa paggamit ng Wikang Filipino, dinaluhan ng 300 na guro

By Daniel P. Tapaoan, Jr. 

at Rheena Mangaoil, Intern

 

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong taon, idinaos ng Mariano Marcos State University (MMSU) ang webinar sa Pagtangkilik sa Wikang Filipino kahapon, Agosto 10.

 

Ang naturang webinar ay isang extension activity ng Paaralang Graduado (GS) partikular ang mga programang Doctor of Philosophy (PhD) in Linguistics at Master of Arts in Education (MAED) - Wika at Panitikan. Ito ay nai-livestream sa opisyal na Facebook page ng MMSU. 

 

Nagsilbing daan ang webinar sa pagpapahusay ng kakayahan ng mga guro sa pagtuturo ng ponolohiya, morpolohiya at sintaksis sa Filipino. Layunin din nitong matulungan ang mga mag-aaral para maging bihasa sa paggamit ng wika at maging mas aktibo sila sa mga interaksyon sa loob ng klasrum. 

 

Kabilang sa mga paksa sa webinar ang: Kakayahan sa Pagtuturo ng Ponolohiya: Susi sa Pagpapayaman ng Makabuluhang Kaalaman sa Estruktura ng Wika; Pagsasama at Tagapag-ugnay: Nasa mga Salita ang Kahulugan ng Morpema; at Sintaksis: Makabuluhang Ugnayan. Tinalakay ang mga ito nina G. Mark Louie P. Duldulao, Teacher III ng City of Batac National High School - Poblacion Campus; Dr. Richard S. Agbayani, Program Chair ng PhD Linguistics; at ni Gng. Patricia H. Pascual, Master Teacher I ng Ilocos Norte National High School. 

 

Ayon kay Dr. Lilibeth G. Abrojena, MAED program chair, ang isinagawang aktibidad ay napakahalaga at napapanahon para matulungan ang mga guro sa Filipino sa pagpapaangat sa kalidad ng pagtuturo.

 

“Sa pamamagitan ng mga paksang ito, natitiyak naming napayaman at napalawig ng puspusan ang kaalaman ng ating mga guro sa paggamit ng Wikang Filipino at sa pagbuo ng kanilang mga modyul sa hinaharap,” sabi ni Dr. Abrojena. 

 

Dumalo sa webinar ang mahigit 300 na mga guro sa Filipino mula sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) - Dibisyon ng Ilocos Norte, Batac at Laoag, at MMSU. Mahigit 2,400 naman ang nanood sa Facebook livestream. 

 

Si Dr. Editha R. Mabanag, education program supervisor ng DepEd Dibisyon ng Ilocos Norte, ang nagsilbing pangunahing tagapagsalita sa webinar ng GS. Inihayag niya na malaki ang ginagampanan ng wika sa pakikipag-ugnayan at pagkakaunawaan ng bawat tao upang mapabilis ang pagsulong ng kaunlaran sa paaralan at sa lokalidad. 

 

Nagpahayag naman ng kagalakan si Dr. Doreen D. Domingo, dekana ng GS, dahil sa suporta at pagmamahal na ipinakita ng mga guro at mag-aaral sa Wikang Filipino sa pamamagitan ng kanilang partisipasyon sa webinar. Inaasahan din ng dekana na ibabahagi ng mga guro ang kanilang natutunan sa kani-kanilang paaralan.  

 

“Sa pamamagitan ng mga aktibidad na kagaya nito, tunay ngang binibigyan ng ating unibersidad ng halaga at pagpupunyagi ang ating pambansang wika,” sabi ni MMSU President Shirley C. Agrupis. 

 

Samantala, ibinahagi ni Dr. Nelie S. Salvador, ang punong abala ng webinar, na ito ay base sa resulta ng isinagawang needs assessment survey ng kolehiyo kamakailan. Ayon sa survey, katamtaman lamang ang alam ng mga guro sa pagtuturo ng wastong istraktura ng Wikang Filipino, gayun din na hindi nasusunod ang ilan sa mga alituntunin sa pagsasalita, pagbasa at pagsulat gamit ng wika. (HLY/JVBT/DPTJ, StratCom)
 

Gallery