Nang pitong araw na hindi nag-smile ang araw
NAMISS natin sobra ang maliwanag na sinag ng haring araw. Kung dati ay panay ang reklamo natin dahil sa init ng panahon, ngayo’y ating napagtanto na di hamak na mas mahirap ang basang-basa at madilim na buhay.
Nakalulunos ang pinsalang idinulot nina Ondoy, Pepeng, at ang pampagulong si Quedan. Ilang buhay ang nasawi, mga bahay na nagiba, ari-ariang tinangay ng agos, at mga kinabukasang nawala na parang bula.
Gayunpaman, ang trahedyang ito ay patunay na naman ng pagkamasiyahin ng Pinoy, ng ating kakayanang bumangon mula sa anumang pagkakalugmok, ng ating magaan na disposisyon sa buhay. Napangingiti na lamang ako kapag nakikita ko ang mga biktima ng mga pagbaha na panay pa ang pagkaway at pakyut sa likod ng mga reporter sa telebisyon.
Marami akong mga kaibigan sa NCR na labis na naapektuhan ni Ondoy. Habang naglilinis sa kung anuman ang natira sa kanilang mga putikang bahay ay panay pa ang hagikhikan. Itong si Dennis, ang kaibigan kong nasa Amerika, bagama’t nalulungkot at sinira ni Ondoy ang kanilang bahay, kagamitan, at pati na rin ang bahagi ng kanilang kabuhayan sa Cainta, ay labis ang pagpapasalamat at wala namang nasawi sa kanyang mga mahal sa buhay. Natatawa siya nang ikuwento sa akin na ayaw pa sanang umalis ng kanyang tatay sa kanilang tahanan bagama’t napakataas na ng baha, subali’t napilitan din itong lumikas nang lumulutang na ang hinihigan niyang kama.
Napag-uusapan na rin lang ang paglutang, nakuha pang mag-cheer ng mga taumbayan na nakasaksi sa pagkaanod ng mga kabaong sa rumaragasang baha sa Zambales. Animo’y parang nanonood lang sila ng karera ng mga bangka. Ang buhay nga naman, pati ang ang mga patay, naistorbo ang pamamahinga. Ang mga bangkay daw, Rest in Fish, pinangangambahang nilantakan ng mga isda.
At heto pa, ang ilang mga nanay na nanganak sa evacuation center, nakuha pang ipangalan ang kanilang mga sanggol kina Ondoy at Pepeng. Talaga naman.
Noong nakaraang linggo, ang mga kawani ng gobyerno ay pumasok pa rin sa trabaho bagama’t patuloy ang pagbayo ni Pepeng.
Pitong estudyanteng lalake mula sa CoEd’s Dorm ang tumungo sa aming opisina sa FEM Building noong Martes. Hindi sila nakauwi sa kanilang mga bahay sa kanayunan dahil sa bagyo. Dahil walang allowance, apat na araw na instant noodles ang kanilang kinakain. Ilang araw na rin silang walang paligo dahil sa kawalan ng tubig. At dahil wala ring kuryente, namatay na ang kanilang mga cellphone, kaya’t dumulog sila sa aming opisina upang maki-charge.
Naawa ako sa mga bata, mukha silang mga basang sisiw. Tinanggal pa nila ang kanilang mga tsinelas bago sila pumasok sa opisina, tila nahihiya. First time na may nakita akong nag-iwan ng tsinelas sa labas ng aming opisina, at ito’y kumurot sa aking puso. Ipinasuot ko sa kanila ang kanilang mga sapin-paa, sapagkat ang mga mamamayan ang tunay na boss sa anumang tanggapan ng pamahalaan. Nu’ng mag-full charge na ang kanilang mga cellphone, tila wala nang bakas ng gutom, hirap, at ginaw sa kanilang mga mukha. Masaya na sila. Fully charged na sila.
Eto namang si NJ, isang nursing student, hindi inalintana ang hagupit ni Pepeng. Bagama’t baha na sa kanilang lugar, nakuha pang tumungo sa sentro ng Laoag at maglilibot upang maghanap ng bukas na computer shop para anihin ang kanyang mga pananim na nanganganib masira… sa Farm Town. Ang Farm Town at Farm Ville ay mga laro sa Facebook sa Internet kung saan ikaw ay maaaring maging virtual na magsasaka. Doon ay puwede kang mag-araro, magtanim, mag-ani, at magbenta sa iyong mga pananim. Kinakailangan na kasing anihin ang kaniyang mga Sunflower kaya hindi sinanto ni NJ ang lakas ni Pepeng.
Ngunit buti pa sa virtual farm, walang mga bagyo. Kapag nagtanim ka, siguradong may aanihin kang masagana. Hindi ganyan sa tunay na buhay. Ang mga tunay na magsasaka, nabilad na sa araw at ulan, nanakit na ang buto sa kakayuko, at nabaon na sa utang pambili ng abono, ay masisira pa ang pananim. Paano na ang mga estudyante natin na mga anak ng magsasaka? Mahihirapan tiyak ang marami sa kanilang magbayad ng tuition.
Salamat na rin at ang bangis ni Pepeng dito sa ating lalawigan ay hindi kasimbangis sa ibang probinsiya tulad ng Isabela, Cagayan, Pangasinan, at Benguet. Tuloy na uli ang pag-inog ng ating mundo. Unti-unti nang nalilinis ang mga kalat at mga nabuwal na puno sa kampus, halos tuyo na ang mga test paper at iba pang papel na nabasa sa mga tanggapan, at naghahanda na ang lahat para sa final exam sa susunod na linggo. Ang mga magsasaka naman ay inaani na ang kung ano pa ang natira sa kanilang mga pananim. Salamat po, Panginoon.
Wala nang mas maige pang paraan ng pagpapasalamat kundi ang ating pagkakapit-bisig upang tulungan ang ating mga kababayan na tumawid sa krisis at buuing muli ang kanilang buhay. Nakaaantig ng puso kapag ang mga taong walang-wala din sa buhay ay sige din sa pagtulong. Pati na ang mga preso sa Bilibid ay nag-donate ng 20,000 na lata ng sardinas at mga kaban ng bigas. Lumiban kasi sila ng agahan upang makatulong sa mga nasalanta. Ang kaunti nilang kita mula sa kanilang mga livelihood program ay itinulong din nila sa mga nasalanta.
Walang taong sobrang mahirap upang walang maiambag sa kapwang naghihikahos. Nakatutuwa at karamihan sa mga tumutulong ay walang hinihintay na kapalit, at karaniwan ay ayaw pang magpakilala, bagama’t mayroong mangilan-ngilan na namimilipit na sa gutom ang kanilang mga kababayan ay nakuha pang magpaprinta ng kanilang mga pangalan sa mga supot at styrofoam na ginagamit sa kanilang mga relief operation.
Sana’y patuloy nating pag-alabin ang bayanihan. At kung wala ka nang materyal na bagay na maibabahagi, smile lang ok na. Ang ngiti ay tunay na nakahahawa at nakagiginhawa. Walang bagyo, trahedya, o delubyo ang kayang tumangay sa ngiti ng Pinoy.
Ngunit kung may maiaambag ka naman, kahit kaunti, huwag nang magdalawang isip. Sama-sama nating ibalik ang ngiti sa ating kapwa. (Herdy La. Yumul)
Gallery
Dear Valued Client,
We will be introducing our newly upgraded website on October 31, 2024 – offering faster access, improved navigation, and enriched content for students, faculty, partners, and stakeholders. Experience how we cultivate minds and transform futures at MMSU.