<P align=left><STRONG><FONT face=Verdana size=5>MMSU nanguna sa patimpalak sa pagbigkas ng tula; </FONT></STRONG><U><STRONG><FONT face=Verdana size=5>MEP isinulong ang wikang Ilocano</FONT></
ALINSUNOD sa Pampanguluhang Proklamasyon Bilang 964 na nagtatakda sa pag-alala sa kapanganakan ni Francisco \"Balagtas\" Baltazar, ipinagdiwang ang Araw ni Balagtas dito sa MMSU noong ika-24 ng Marso.
Tampok nito ang panrehyong paligsahan sa pagbigkas ng tula na inilunsad ng Panrehyong Sentro ng Wikang Filipino (PSWF) sa pangunguna ng Komisyon ng Wikang Filipino at sa pakikipagtulungan ng Departamento ng Filipino sa CAS.
Sa lebel pangtersyarya, nasungkit ng pambato ng MMSU ang kampeonato. Nanguna dito si Jaztyn Ross E. Sanchez, mag-aaral sa ikalawang taon sa kursong BS Nursing, samantalang pumangalawa at pumangatlo naman sina Fern Angelo E. Cabaron, mag-aaral sa unang taon sa kursong nursing sa Northern Christian College, at si Reidel Owen E. Salvador, na nasa unang taon sa kursong Bachelor of Arts in English Studies dito rin sa MMSU.
Sa lebel sekundarya, natamo ang unang gantimpala ni Lord Zedrique Macatiag, mag-aaral sa ikalawang taon sa MMSU Laboratory High School.
Kabilang din sa mga paaralang sumali sa nasabing paligsahan ang University of Northen Philippines ng Lungsod ng Vigan.
Ayon kay Prof. Janet F. Rivera, Director ng PSWF-I, sina Ranchez at Macatiag ay ipadadala sa Maynila sa ika-24 ng April upang kumatawan sa rehyon sa pambansang paligsahan sa pagbigkas ng tula na idaraos ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Dumalo si Pangulong Miriam E. Pascua sa pagdiriwang at sa kanyang mensahe ay ipinaliwanag niya na hindi na lamang wikang Filipino ang marapat itaguyod ngayon kundi pati na rin ang iba’t iba pang mga wikain tulad ng Ilocano.
Ipinahayag ni Pangulong Pascua ang kanyang kalungkutan at pangamba sapagkat marami sa mga nakababatang henerasyon ang hindi na matatas na makapagsalita at makapagsulat ng Ilocano. Bunsod nito, inatasan niya ang PSWF at ang Deparamento ng Filipino na bumalangkas ng mga programa upang itaguyod ang wikang bernakular. Ipinabatid ng pangulo ang kanyang pagsuporta sa layuning ito.
Ang iba pang kaganapan sa pagdiriwang ng Araw ni Balagtas ay ang pagdaraos ng Misa Alay kay Balagtas sa pangunguna ni Fr. Melchor B. Palomares, katuwang na kura paroko sa St. Nicholas Parish sa bayan ng San Nicolas, at ang pagbuo ng isang diorama patungkol sa buhay, karanasan, kapalaran, at mga akda ni Balagtas na inihanda ng mga nasa ikalawang taon ng BS Pharmacy na kumukuha ng kursong Literatura 1.
Tinaguriang \"Hari ng Makatang Pilipino\", si Balagtas (1788-1862) ang henyo sa likod ng tulang Florante at Laura. Siya ay nagsulat din ng mga makabayang dula, awit, komedya, at korido na siyang nagdala sa kaniya sa pinakamataas na dambana ng panitikang Tagalog. (Herdy L. Yumul)
Gallery
Dear Valued Client,
We will be introducing our newly upgraded website on October 31, 2024 – offering faster access, improved navigation, and enriched content for students, faculty, partners, and stakeholders. Experience how we cultivate minds and transform futures at MMSU.