Sentro ng Wika at Kultura itatatag sa MMSU

Habang abala ang marami sa panonood ng Miss Universe pageant kung saan naging isyu ang paggamit ng sariling wika, isang napakahalagang kasunduan ang nilagdaan sa MMSU.

Noong umaga ng Enero 30 sa FEM Conference Room sa Batac campus, isang memorandum ng pag-unawaan ang nilagdaan sa pagitan ng MMSU at ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa pagtatatag ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK). Ang KWF ay kinatawan mismo ni punong komisyoner Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan (National Artist for Literature), at kamakailan ay naitalaga bilang pinuno ng National Commission for Culture and the Arts. Kasama niya si Dr. Purification Delima, komisyoner para sa Ilokano ng KWF. Mainit silang tinanggap ni Dr. Prima Fe Franco, tagapangasiwa sa tanggapan ng pangulo ng MMSU.

Gabay ang Konstitusyon at mga batas ng Pilipinas, ang SWK ay mangangasiwa ng mga aktibidad, gaya ng kumperensiya, seminar, palihan, gawad timpalak, at katulad para sa pagpapalaganap ng Wikang Filipino. Magsasagawa ito ng mga proyekto sa saliksik, pagtitipon, at pagtatanghal ng wika at kultura. Ito ay lalahok at kung maaari’y manguna sa pagsulong ng mga katangiang pangkultura ng rehiyon.

Dagdag pa rito, ang SWK ay inaasahang bubuo ng matalik at mabisang ugnayan at pakikipagtulungan sa mga organisasyon at institusyon sa loob at labas ng unibersidad, lalo na sa DepEd, CHED, TESDA, DOT, NCIP, DILG, people’s organization ng mga katutubo, at LGUs sa pamamagitan ng Indigenous People’s Mandatory Representative. Itataguyod ng SWK ang lahat ng kampanya at proyekto ng KWF, lalo na sa pagpapalaganap ng wikang Filipino at sa pangangalaga sa kapakanan ng mga guro sa Filipino. Magkakaloob ang SWK ng mga aklat, sanggunian, poster, at iba pang materyales.

Bukod sa mga opisyal ng dalawang panig, nandoon din si Mr. Aian Raquel, provincial tourism officer ng Ilocos Norte, upang saksihan ang pagpirma ng kasunduan.

Handa na ang magiging tanggapan ng SWK sa administration building ng College of Teacher Education sa Laoag. Ayon kay Dr. Eliza Samson, dekana ng CTE, inaasahang si Dr. Maria Eliza Lopez ang magiging hepe ng SWK. Makakasama niya si Prof. Melanie Arellano bilang kawaksi.

Dati nang mayroong Panrehyong Sentro ng Wikang Filipino na nakatalaga sa CAS, ngunit natigil ang operasyon nito nang mga nakaraang taon. Sa pagbubuo ng SWK, minabuti ng magkabilang panig na dalhin ito sa CTE dahil isa sa mga pangunahing layunin ng Sentro ang pagsasanay at paglinang sa kakayanan ng mga guro ng Filipino.

Ipinahayag ni Dr. Franco ang kagalakan sa pagtatatag ng SWK sa MMSU. Aniya, bagama’t matagal nang napatunayan ng MMSU na isa ito sa pinakamahusay sa larangan ng agham, teknolohiya, at agrikultura, kinakailangan pang palawakin ang mga gawaing pangwika at kultura, at palakasin ang mga agham panlipunan, lalo na sa pananaliksik.

Gallery
 

Dear Valued Client,

We will be introducing our newly upgraded website on October 31, 2024 – offering faster access, improved navigation, and enriched content for students, faculty, partners, and stakeholders. Experience how we cultivate minds and transform futures at MMSU.

Continue to the New Website