Buwan ng wika 2010: Payak ngunit makabuluhan

BAGAMA’T mas payak ang mga kaganapan ngayong taon kung ihahalintulad sa mga nagdaang pagdiriwang ng Buwan ng Wika, hitik naman ito sa kabuluhan.

Hindi lamang wika ang pokus ng taunang pagdiriwang kundi pati na rin ang pagkalinga sa kapaligiran.  Ang tema: “Sa pangangalaga ng wika at kalikasan, wagas na pagmamahal talagang kailangan.”

Isinagawa ang nakagawian nang Parada ng Bayan at pambungad na palatuntunan noong Agosto 17.  Pinasinayaan ni Vice President for Academic Affairs Epifania O. Agustin ang programa na nilahukan ng mga mag-aaral ng Filipino mula sa lahat ng mga kolehiyo sa Batac kampus.

Wika ni Dr. Agustin sa kanyang talumpati, “Ang wika ay parang kalikasan, kapag hindi pinangalagaan ay malalanta at mababaon sa limot; ang kalikasan ay parang wika, kapag ang pangangalaga ay hindi tapat at pabalat-bunga lamang, ito ay hindi uusbong.”

Sa isang bansang watak-watak, hindi lamang sa heograpiya, kundi pati na sa pulitika, ideolohiya, at pananampalataya, paniwala ni Dr. Agustin na malaki ang maaaring gampanang papel ng wika sa pagtatamo ng pagkakaisa.  Ang pagkakaisang ito, wika niya, “ang patuloy na magbibigkis sa atin sa mga adhikain, hindi lamang pangkalikasan, kundi sa iba pang mga isyung panlipunan.”

Ginanap ang mga patimpalak sa poslogan (poster-slogan), pagsulat ng sanaysay, at Quiz Bee Agosto 17 samantalang sa Agosto 25 naman magpapatagisan ang mga mag-aaral sa masining na pagkuwento, dagliang talumpati, at vocal duet.  Sa Sept. 3 nakatakda ang pangwakas na palatuntunan kung saan iaanunsiyo at pararangalan ang mga nagwagi.

Ang taunang pagdiriwang ay pinangungunahan ng Kapisanan ng mga Magaaral sa Filipino (KAMFIL)  sa patnubay ng Panrehyong Sentro ng Wikang Filipino (PSWF) at ng Departamento ng Wika at Panitikan ng CAS.

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong taon ay pinondohan ng KAMFIL. Sa mga nakaraang taon, nagaambag din ang PSWF sa mga gastusin kung kaya’t pamprobinsya o panrehyon ang lawak ng mga kaganapan. Nagdesisyon ang Komisyon ng Wikang Filipino, kung saan napaloloob ang PSWF,  na ituon ang kanilang pondo sa mga gawaing pananaliksik.

Gallery
 

Dear Valued Client,

We will be introducing our newly upgraded website on October 31, 2024 – offering faster access, improved navigation, and enriched content for students, faculty, partners, and stakeholders. Experience how we cultivate minds and transform futures at MMSU.

Continue to the New Website