MMSU Tertulyang Pangwika, itinampok ang paggamit ng AI sa pananaliksik sa Wikang Filipino

By Criztalene Victorio

 

Isinagawa ng Mariano Marcos State University (MMSU) sa pamamagitan ng College of Teacher Education (CTED), Sentro ng Wika at Kultura (SWK) at Center for Teaching Excellence ang Tertulyang Pangwika sa online na plataporma, upang talakayin ang wastong paggamit ng AI sa pananaliksik sa wikang Filipino noong Agosto 14.

 

Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Dr. Marlina Lino, Dean ng MMSU College of Arts and Sciences (CAS) ang kahalagahan ng pagpapanatili ng wikang Filipino sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng AI.

 

"Sa panahon natin ngayon na ang AI ay mabilis na nagbabago sa paraan ng pagkatuto, pananaliksik, pakikipag-ugnayan, at paglikha ng kaalaman, mahalagang balikan ang puwesto-puwesto ng ating wika sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya,” saad niya.

 

Binanggit naman ni CTE Dean Dr. Ronald Candy Lasaten na ang pagtitipong ito ay hindi lamang paggunita ng pagkakakilanlan, kundi isang pagpupulong ng kaisipan upang harapin ang hamon ng makabagong panahon.

 

Samantala, binuksan naman ni Dr. Jayson Petras, Associate Professor sa UP Diliman at Program Chair of Language and Literacy Education sa UP Open University, ang unang talakayan tungkol sa “Artificial Intelligence Bilang Kasangkapan sa Pananaliksik: Mga Oportunidad at Hamon sa Paggamit ng Wikang Filipino,” kung saan kanyang ibinahagi ang benepisyo at limitasyon ng paggamit ng AI habang binibigyang diin ang epekto nito sa pananaliksik.

 

Sinundan naman ng diskusyon ni Asst. Prof. Leonardo Tejano, MMSU Research Coordinator at Program Adviser ng Ilokano Studies sa MMSU Graduate School, ang ukol sa “Mapanuring Pananaliksik sa Panahon ng (Gen) AI”, kung saan kanyang ipinaalala ang papel ng etika, integridad, at kritikal na ebalwasyon ng impormasyon sa pananaliksik kalakip ng paggamit ng AI tools.

 

Inihayag naman ni SWK Chief, Dr. Maria Eliza Lopez na ang pag-organisa ng forum na ito ay upang bigyang pansin ang mga importanteng usapin sa AI, edukasyon, at pananaliksik. Bukod pa rito, layunin din nitong hikayatin ang mga mananaliksik sa paggamit ng wikang Filipino sa digital na mga plataporma.

 

Mahigit kumulang 178 ang dumalo sa forum kabilang na ang mga estudyante, guro at mananaliksik mula sa iba’t ibang akademikong institusyon.